Para Sa Iyo
Dumating ka sa buhay ko nang walang babala. Dumating ka nung panahong akala ko ay hindi ko na alam kung paano ang magmahal. Nahulog ang loob ko nang hindi sinasadya. Minahal kita agad sa maiksing panahon na nakilala kita. Minahal kita kahit may bahagi ng isipan kong nagsasabi na mali ang ibigin ka.
Pinili kong itago ang damdaming ito nung umpisa. Ngunit wala akong lakas upang panindigan yun hanggang sa huli. Tandang-tanda ko pa nung araw na ipinagtapat ko ang lahat sa iyo. Hindi mo ako hinusgahan. Hindi mo ako pinagtawanan. Sa halip ay nagpasalamat ka. Ipinadama mo sa akin na hindi ko dapat pigilan ang pag-ibig ko sa iyo. Kaya nangako akong maghintay, hanggang sa dumating yung panahon na handa ka na ring suklian ang pagmamahal ko.
Napasaya mo ang puso ko. May mga gabing nakakatulog ako na ikaw ang nasa isipan ko at may ngiti sa mga labi ko. Sa mga panakaw na pagkakataong nagtatagpo tayo, tila ba humihinto ang pag-ikot ng mundo. Hindi ko alam kung napapansin mo, pero bago tayo maghiwalay ay pinagmamasdan kita, kinakabisado ko sa isipan ko ang tumutugtog na kanta, ang itsura ng paligid, ang kulay ng damit na suot mo, at ang mukha mo habang kausap mo ako.
Bawat regalo na ibinigay mo sa akin ay sobrang pinapahalagahan ko. Sila ang kayamanan ko. Tuwing may problema ako o kaya ay pagod sa trabaho, sila ang nagpapagaan ng pakiramdam ko. Kahit wala ka sa tabi ko, nararamdaman ko ang presensya mo.
Ngunit sa paglipas ng mga araw, may nagbago.
Nainip ako sa paghihintay. Nagsimula akong manghingi ng karagdagang oras at atensyon mo. Hindi na ako kuntento. Gusto ko nang madaliin na maging tayo. Kaya imbes na pagmamahal ang maiparamdam ko sa iyo, napalitan yun ng panunumbat. Bakit ba mas mahal kita kesa mahal mo ako? Bakit handa akong talikuran ang lahat para lang sa 'yo, pero ikaw naman ay takot sumugal sa akin? Lagi na tayong nag-aaway. Hindi na natin naiintindihan ang isa't-isa.
Alam ko, nasasakal na kita. Alam ko, unti-unti, lalo kang napapalayo sa akin.
Sabi mo sa akin, we had the right love at the wrong time. Marahil nga ay tama ka. Ako ang may diperensya. Ako ang nagbago. Ako ang sumira sa sarili kong pangako. Hindi ko hinintay dumating yung tamang panahon. Winasak ko ang natitirang pag-asa na maging tayong dalawa, na magkakaroon ng magandang wakas ang lahat.
Ngayon, kahit nag-uusap tayo, nagkikita tayo, nagkakasama tayo, alam kong may pader nang naghihiwalay sa atin. Hindi man nabawasan ang pagmamahal ko sa iyo, alam kong nabawasan naman ang pagkakakilala mo sa akin. Dahil binigo kita. dahil naging maramot ako at sarili ko lang ang inisip ko.
Pinagbabayaran ko ito ngayon. Nababalot ng lungkot ang puso kong sugatan. Sa gabi, binabaha ang isipan ko ng mga pagsisisi at panghihinayang, nakakatulog ako ng may luha sa mga mata. Nais kong ibalik ang lahat sa dati. Gusto kong lokohin ang sarili ko na pag ikinumpas ko ang kamay ko, babalik yung ako at ikaw noon.
Ngunit tila huli na ang lahat.
Kaya sa pagkakataong ito, dalawang bagay lang ang nais kong gawin. Nais kitang pasalamatan dahil tinuruan mo akong magmahal muli. At nais kong sabihin sa iyo na hindi magiging madali para sa akin na kalimutan ka. Ang totoo, sa tingin ko ay hindi ko kayang gawin yun. Dahil mahal na mahal kita. Maraming beses ko nang nasabi ito sa 'yo, pero hindi yun nababawasan ang kahulugan.
Kung ito man ang huling pagkakataon na sasabihin ko ito sa 'yo, sana'y lagi mong alalahanin na, minsan, may taong nangarap maging importanteng bahagi ng buhay mo, na mapasaya ka, na busugin ka ng pagmamahal.
Ako yun.
Saya Cinta Kamu Obmily Noht Nakram