Starstruck
(mula ito sa archive ng Friendster blog ko, noong September 16, 2006. I'm re-posting it here, para sa mga taong gaya ko na kay daling ma-starstruck)
Pagdating ko sa Casino Filipino, inabutan ko sa lobby na sakay ng karwahe si Eula Valdez. Inaabangan na siya ni John Lapus sa red carpet para interbyuhin. Hindi ako nag-stay dun para panoorin sila or abangan kung sino pang mga artista ang darating. 'Di ko lang kasi alam kung dun rin ako sa red carpet dapat dumaan. Hahaha.
Sa cocktail area, ang una kong nakasalubong ay si Adolf Alix. Nakakatuwa kasi inapproach niya ako, kinamayan at kinausap. 'Di ko na nagawang kumain kahit nagugutom na ako. Uminom nga lang ng iced tea e nanginginig na ang kamay ko sa paghawak ng baso. Grabe na ang nerbyos at excitement na nararamdaman ko.
Nalulungkot ako dahil wala akong kasama, kahit isa man lang. Wala tuloy akong maka-usap. Naisip kong humingi ng souvenir programme. Ang sarap basahin ng paulit-ulit yung section na dinedicate nila for the Scriptwriting Contest winners. Kaso, nung magsawa ako, mag-isa pa rin ako sa upuan. Wala akong katabi na mababahagian ng sayang nararamdaman ko.
Ang tagal bago nagsimula yung awarding. Ayun si Irma Adlawan o. 'Di naman pala mukhang katulong sa personal, hehehe. Buti pa si Adolf, may mga kasama. Ayun sila, three rows in front of where i sat. I was quite surprised nung lumapit sa akin si Lito Casaje, isa sa mga storyline winners. Niyaya niya ako na maupo sa ibaba. Konti lang daw kasi ang audience at para samasama raw lahat ng mga contest winners. Pumayag naman ako. Uy, sina Aiza Marquez at Aaron Villana, ayun lang sa may bandang kanan! Si Bella Flores nasa harapan lang namin.
Sina Bong Revilla at lani Mercado ang first pair of hosts. They tried to chitchat with the audience, kaso wala namang pumansin sa kanila, hehehe. Nakakabilib ang mga artista. Magaganda at gwapo na sila pag nakikita ko sa tv at big screen. Pero pag sa personal pala, nadodoble pa.
Tinawag na kami sa backstage, kami na raw ang next na tatawagin. Hala, sa may pintuan, nakatambay si John Lloyd Cruz. Gwapings, ang puti ng mukha. Tinitigan pa nga ako e. Gusto yata ng away, hahaha. Sa waiting area backstage, nandun ang magkapatid na De Rossi. Sobrang slim ni Assunta. May isang taklesa na make-up artist, sabi kay Assunta para daw isda ang gown niya, hahaha. Si Alessandra, bumabangka ng kwento. Katabi niya si Ms. Cherrie Gil. Gusto kong lumuhod at sumamba sa sobrang ganda ni Cherrie. Noon naman tyempong inubo yung isa sa mga kasama kong winners. Lagot, walang tubig! Inoffer ni Cherrie yung mineral water niya. Akala ko isasaboy niya sa mukha nung kasama ko at sasabihin niyang "You're nothing but a second rate, trying hard copycat!" Hahaha. Sayang, hindi nangyari.
Pag-alis nina Alessandra, naupo sa mesa nila si Dennis Trillo. Gwapings din, sobrang puti ng mukha. Parang ang sarap hilamusan ng putik. Alam ko sikat siya. Nagtataka ako bakit walang pumapansin sa kanya. Wala kumakausap sa kanya kaya binasa na lang niya yung nutritional facts sa karton ng tissue, hahaha.
Si Direk Joel Lamangan ang nag-intro para sa mga screenplay winners. Si Direk Jose Carreon naman ang nag-abot sa amin ng certificates. Todo ang ngiti at project ko sa stage. Di ko kasi alam kung aling camera ang kumukuha kaya nag-play safe na lang ako at sa gitna humarap.
Sabi nung isang staff, iinterbyuhin daw kami ni Eula para sa chitchat segment ng programa. Kaso, ilang beses kaming pinabalik-balik, pero wala namang nangyari. Nagkaroon lang tuloy ng opportunity para makakita pa ko ng mraming artista. Si Ricky davao at raphael Martinez, magkatabi at nag-uusap. Hmmm... May nagaganap kaya? Hehehe. Si John Lloyd, nagpalit na, naka-barong na. Parang umiiwas na ng tingin, natakot yata sa akin. Si Eddie Garcia, ang ganda ng suot na Filipiniana. Nakabaston na ang lolo. Oy, ka-eksena ko yan sa ICU BED No. 7! Sina Phillip Salvador at Jinggoy Estrada, barkadahan portion ang eksena sa isang sulok. Si Paolo Paraiso, nagcecellphone sa hallway. Mukha naman palang artista pag sa personal. Sa TV kasi, mukhang wala lang. Si Claudine Barretto, wow!!! Gusto ko ulit lumuhod at sumamba! Ganda ng idol ko. Si Dennis Trillo, wala pa rin kumakausap. Si Izza Calzado, ipit na ipit ang boobs sa suot na gown. Si Christine Reyes, ibang-iba ang itsura, mas maganda.
Sa wakas, natuloy ang interview sa amin. Syempre pa, tumabi talaga ako kay Eula, para laging pasok sa frame ang mukha ko. Halos fifteen minutes yata kami naka-standby bago dumating yung cue na kami na ang isasalang sa camera. Saan ka pa!? Unang tanong pa lang ni Eula, ako na agad ang bumanat ng sagot. Fifteen seconds of fame, hahaha. Tumatakbo sa isip ko nung mga sandaling yun, "Shit! Nagmamantika na siguro ang kalbo kong ulo! Buong Pilipinas, mapapanood ang oily kong mukha!" Hahaha.
Sabi nung staff, wag daw kami umalis. Aakyat pa raw ulit kami ng stage kasama ng mga Luna Award winners. Si Zsa Zsa Padilla ang Best Actress, si Marvin Agustin naman ang Best Actor. Si Direk Joel na Best Director, gusto kong iprotesta, hehehe. Sa backstage, binati kami ni Zsa Zsa. Kinukwento niya na nasaktan si Dominic Ochoa sa pagsampal niya dito sa shooting ng Bituing walang Ningning. Si Marvin may malaking pimple sa batok. Ang wallpaper sa cellphone niya ay ang kambal niya. Sa stage, mini-mimic ni Jolina ang estatwa ng Luna.
Paglabas namin sa stage, naramdaman ko na ibang level na talaga! Napapalibutan ako ng mga artista. Ang daming camera na nagpa-flash sa harap. Nalito na naman ako kung saan titingin, kaya play safe ulit. Si Gina Alajar, nasa likod ko. Bahala siya dun, hahaha. Sa kanan ko, nagbubulungan sina Ricky Davao at Michael De Mesa, nilalait ang pagkakamali ng staff nang mali ang pangalang tawagin nung magpresent kanina sina Mylene Dizon at Rudy Fernandez. Si Caridad Sanchez, nasa harapan ko. 'Tong matandang to, umeksena pa ng iyak kanina, halata namang akting lang. Si Dennis, nandun sa kabilang dulo, wala pa ring pumapansin, hahaha. Si Claudine kasama pa rin si John Lloyd sa rostrum. Si Jolina, 'di yata alam ang meaning Filipiniana. Si Alvin Anson ang katabi ko, panay ang kausap at bati sa akin. Si Nathan Lopez, lalakeng-lalake, 'di gaya ng role niya sa maximo Oliveros. Yung iba kong co-winners, nasaan na ba? A, bahala sila. i-eenjoy ko lang tong moment na to. Todo ang ngiti ko. Nagpapalakpakan ang audience. Inenjoy ko lang din marinig yun.
Parang panaginip lang ang lahat.
No comments:
Post a Comment