Para sa Kaibigang Pumanaw
Namatayan ako ng isang kaibigan.
Dalawang taon lang kami nagkasama, pero siya lang ang tunay na nakakakilala sa akin. Alam niya lahat ng sikreto ko. Alam niya kung ano ang makakapagpasaya sa akin at kung ano yung nagpapa-iyak sa akin.
Wala akong kaalam-alam na may sakit na pala siya. Ang galing niya magtago. Ni minsan, di siya nagpakita ng sign na may problema na pala siya.
Nung magising ako kahapon ng umaga, siya pa ang unang bumati sa akin.
Tapos, bigla na lang siyang inatake.
Nung una, akala ko wala lang. Baka kako sinusumpong lang siya.
Pero di na siya nagising ulit.
Kung saan-saan ko siya dinala, pero wala nang makagamot sa kanya.
Kahit masakit, nag-give up na ako.
Nag-let go na ako.
Wala na siya.
Wala na ang cellphone kong Nokia N70.
Kahit bumili ako ng bagong cellphone at kahit parehong sim at numero pa rin ang gamit ko, wala na lahat ng mga text messages na inipon ko sa nagdaang dalawang taon.
Wala na yung mga numero ng mga kaibigang mahirap nang hagilapin.
Wala na ang mga litratong hindi ko pa naa-upload.